May isang estudyante na nag-ask sa akin this week: Ano ang pananaw ko sa pakikipagrelasyon ng isang born-again Christian sa isang [hindi mananampalataya]? (Nilagyan ko ng brackets yung word dahil specific yung religion na binanggit niya. Pero for the sake of discussion ito na lang ang itawag natin.)
(Alam mo bang may English version ako nito. Click mo dito.)
Nung bata ako, nagka-crush din naman ako. Pero hindi ko masyadong pinapansin kung sila ba ay may personal relationship sa Panginoon, kasi parang discriminating ka naman ‘pag ganun. Naisip ko, grabe sobrang higpit naman nag utos na yon, at nag-iisip ako ng mga scenario kung papaano maja-justify na suwayin ang utos na iyon. Pero kung babalikan ko ang naging decision ko, nagpapasalamat ako sa grace ng Lord dahil pinakilala Niya sa akin at napangasawa ko ang asawa ko na may takot din sa Diyos. Kaya naniniwala ako sa payo ng 2 Co 6:14.
So ano bang meron sa 2 Corinthians 6:14? Minsan bilang mga kabataan, parang wala nang dating sa atin ang mga utos na nagsisimula sa “do not” o “huwag” dahil iniisip natin ang boring naman o killjoy. Parang automatic na sa ating lagpasan yung mga salitang nagsisimula sa “huwag”.
At sa mga leader naman, minsan guilty rin tayo sa paglalatag ng mga “do not” sa mga kabataan nang hindi pinapaliwanag kung bakit. Ang mga kabataan ngayon hindi lang tumatanggap ng mga utos, kailangan nilang maintindihan kung bakit ito mahalaga, at kung ano ang kinalaman nito sa kanilang buhay.
So basahin natin yung verse na nakapalibot sa 2 Corinthians 6:14:
Huwag kayong makipamatok sa hindi mananampalataya sapagkat anong pakikipag-isa mayroon nga ang katuwiran sa hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos? Anong pakikisama mayroon ang liwanag at kadiliman? 15 Paano magkakasundo si Cristo at si Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa hindi mananampalataya? 16 Anong kasunduan mayroon ang banal na dako ng Diyos sa mga diyos-diyosan? Ito ay sapagkat kayo nga ang banal na dako ng buhay na Diyos. (2 Corinthians 6:14-16)
Ang pamatok o yoke ay isang kahoy na kinakabit sa likod ng dalawang hayop para humila ng araro. |
Ano ba ang values?
Sabi ng Google, values is "a person's principles or standards of behavior; one's judgment of what is important in life." Sa tao, ito ay mga prinsipyo o panuntunan sa pamumuhay; ang pagtukoy kung ano ang mga bagay na mahalaga sa buhay. Pareho rin ito sa ethics, moral code o standards. Ang mga kumpanya merong tinatawag na “core values.” Values ang gumagabay sa pamumuhay ng isang tao. Bawat tao ay nabubuhay sa kanyang mga values, alam man niya ito o hindi. Kinalakihan natin ito sa ating mga magulang, at sa paligid kung saan tayo nagkamalay. Halimbawa, kung mahalaga sa iyo ang oras, mahalaga sa’yo ang pagiging on-time. Kung mahalaga sa iyo ang pamilya, kasama sa pagpapasya mo kalagayan ng iyong pamilya. Kung mahalaga sa iyo ang katapatan, gagawin mo ang lahat ng bagay ng may integridad. Napaka-powerful ng values. Dahil values ang tutukoy ng iyong mga prayoridad, priority mo ang tutukoy sa iyong pamumuhay, at pamumuhay ang tutukoy sa iyong kinabukasan.
So ano ba ang mga bagay na mahalaga sa iyo? Ano ang mga pinahahalagahan mo bilang alagad ni Cristo? Ang isang alagad ni Cristo ay pahahalagahan ang katapatan sa kanyang Panginoon. Ito ay isang value, ang pagiging sentro ni Cristo sa lahat ng aspeto ng iyong buhay. At kung titignan natin kung ano ang magiging kinabukasan ng isang alagad na sumusunod sa Kanya, malalaman natin kung anong klaseng buhay meron siya. Halimbawa, ang ugnayan ng isang alagad sa Diyos ay tapat at nagmamahal. Ang paghahanap-buhay ng isang alagad ay mahusay at tapat. So ano naman kaya ang larawan ng isang alagad ‘pag dating sa panliligaw at pag-aasawa? Hindi lang nabubuhay ang isang alagad para sa “ngayon,” alam niya na lahat ng kanyang ginagawa ay makaaapekto sa kanyang kinabukasan. Kung papipiliin ako, mas pipiliin kong sundin ang pagtupad ng kalooban ng Diyos para sa akin kesa sundin ang damdamin ko para sa isang taong walang ugnayan sa Diyos.
So balik tayo kay Pablo, sinundan niya yung sinabi niya ng sunod-sunod na tanong:
… anong pakikipag-isa mayroon nga ang katuwiran sa hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos? Anong pakikisama mayroon ang liwanag at kadiliman? 15 Paano magkakasundo si Cristo at si Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa hindi mananampalataya? 16 Anong kasunduan mayroon ang banal na dako ng Diyos sa mga diyos-diyosan?
Siyempre ang sagot sa lahat ng tanong na iyon ay isang umaalingawngaw na "hindi!"
Isipin mong ikaw ay nakipag-relationship sa isang taong hindi pinahahalagahan ang personal relationship kay Cristo. Kahit gaano pa siya karelihiyoso’t kabait, kung wala si Cristo sa kanyang buhay (hindi niya kinikilala sa Jesus bilang Tagapagligtas sa kanyang kasalanan), kayo ay papunta sa magkaibang direksyon, sa buhay na ito at sa susunod. Bakit? Dahil values ang tutukoy sa iyong prayoridad, na tutukoy sa iyong pamumuhay, na tutukoy sa iyong kinabukasan. If you will think about it, kung si Cristo ang lahat para sa iyo, wala kayong similarity sa isa’t isa. Marami nang mananampalatayang lumalig sa Panginoon dahil nahumaling ang kanilang damdamin sa iba. (Kailangan pa rin natin share-an sila dahil kailangan ng lahat si Jesus, pero gawin natin ito ng may tamang motibo, 'wag evange-ligaw). Sabi pa ni Pablo, na tayo ay “banal na dako ng buhay ng Diyos”, sa Ingles, “we are the temple of the living God.” Banal ang templo ng Diyos, kaya dapat itong pahalagahan, igalang, at panatilihing malinis. Ikaw ay templo ng Diyos, at ‘wag mong isugal ang iyong magandang ugnayan sa Panginoon para lang sa isang hindi wais na pakikipagrelasyon.
Sa pagtatapos,
1. Kung ikaw ay student pa lang, ang tungkulin mo sa panahong ito ay mag-aral ng mabuti at parangalan ang iyong mga magulang. Kung ikaw naman ay hindi na estudyante …
2. Makipagkaibigan. Ang pakikipagkaibigan ay magandang simula para makilala mo ang “the one” at ito ang magandang panimula sa isang makaDiyos na relasyon. Dito mo makikilala ang isa’t isa #nofilter. Sa pakikisalamuha sa mga hindi mananampalataya, makipag-ugnayan tayo ng may pag-ibig ng Diyos, pagkaawang-gawa, at pagbabahagi ng mabuting balita na nagbabago sa isang tao.
3. It’s all about values. Alamin mo kung anong values ang mahalaga sa iyo, hindi lang bilang isang tao, kundi bilang isang alagad ni Cristo. Gawin mo itong mga panuntunan sa pagpapasya patungkol sa panliligaw at pagpili ng mapapangasawa (sa tamang panahon). Kung hindi mo pa nababasa yung post ng asawa ko patungkol sa “What Real Love Is,” mababasa mo ito dito. Makakatulong din ito sa iyo.
Ang prayer ko ay magkaruon ka ng kalinawan patungkol sa tawag sa iyo ng Lord at sa mga values na mahalaga sa iyo para makagawa ka ng mga tamang pasya na nakalulugod sa Diyos.
Ano sa tingin mo, paano mo sasagutin etong tanong na ito? Agree ka sa mga sinulat ko?
No comments:
Post a Comment